BULACAN AT PAMPANGA: MATINDING SUPORTA IBINIGAY KAY BONG REVILLA
- lagbasroman
- 11 minutes ago
- 2 min read
Sa matinding suporta mula sa mga botante at pangunahing lokal na lider, tiniyak ng Bulacan at Pampanga ang tagumpay ni Senador Ramon “Bong” Revilla, Jr. sa kanilang mga lalawigan. Dinagsa ng mga tao at sinamahan pa ng opisyal na pag-eendorso ang kampanya ni Revilla sa San Jose del Monte, Bulacan at sa iba’t ibang bahagi ng Pampanga, patunay ng matibay niyang suporta sa Gitnang Luzon.
“Taos-puso po akong nagpapasalamat sa mga kababayan natin sa Bulacan at Pampanga. Talagang nakakataba ng puso kasi kitang-kita ang buong suporta ng mga local officials at ng ating mga kababayan — lumalabas, kumakaway, humahabol, yumayakap, at humahalik. Kaya’t lalo po tayong ginaganahang pagbutihin pa ang serbisyo,” ani Revilla.
Noong Abril 22, pinangunahan ng senador ang isang motorcade sa San Jose del Monte, Bulacan, kung saan dinumog siya ng mga residente. Kasama niya ang anak na si Dra. Loudette Bautista, at kapwa sila lubos ang pasasalamat sa mainit na pagtanggap.

“Nagulat talaga ako sa dami ng tao! Nagmistulang concert sa dami ng mga sumalubong sa amin ng anak kong si Dra. Loudette. Di ko inexpect na ganon karami ang lalabas para ipakita ang suporta sa atin ng mga kababayang San Joseños!” masayang pahayag ng senador.
Matapos ang motorcade, dumalo si Revilla sa isang town hall caucus kung saan ipinahayag niya ang mga pangunahing bahagi ng kanyang panukalang batas sa muling pagtakbo sa Senado. Isa sa kanyang panukala ay ang pag-abolish ng provincial wage rates at ang pagtatag ng iisang pambansang minimum wage.
“Ang San Jose del Monte, parang Bacoor din yan. Isang sigaw mo lang, rinig ka na sa Metro Manila. Katabing-katabi ng Kamaynilaan e. Pero bakit iba ang minimum wage dito? Naniniwala ako na dapat kung ano ang sahod sa Maynila, ganon din dito. Kasi pareho lang naman ang gastos sa pangunahing bilihin,” giit niya.
Dahil dito, nakuha niya ang opisyal na suporta nina Mayor Arthur Robes at Congresswoman Rida Robes ng San Jose del Monte, na kapwa humanga sa kanyang mahabang serbisyo at mga maka-masang adbokasiya.
Kinabukasan, nagtungo si Revilla sa Pampanga para sa sunod-sunod na power rallies sa Lapid Arena, Laus Events Center, Kingsborough International Convention Center, at Bren Z. Guiao Convention Center.
Lubos ang kanyang pasasalamat sa mga Kapampangan, na tinawag niyang “kababayan” dahil sa matagal na niyang ugnayan sa rehiyon.
“Noon pa man, at kahit kailan, hindi ako pinababayaan ng mga kababayan ko dito sa Pampanga. Kaya habang may pagkakataon ako, ibabalik ko sa inyo ang aking walang humpay na pagmamahal at serbisyo,” aniya.
Pormal siyang inendorso ni Pampanga Vice Governor at gubernatorial candidate Nanay Baby Pineda, isang matatag na lider sa rehiyon.

Sa nasabing rally, ibinahagi rin ni Revilla ang kanyang plano para sa mas mabilis na pag-unlad ng Pampanga sa pamamagitan ng mga makabuluhang proyekto sa imprastraktura.
“Napakalaki ng potensyal ng Pampanga – lalo na kung mas mapapabilis pa natin ang biyahe, mas mapapalago ang turismo, at mas mapapalawak ang oportunidad sa negosyo. Bubuhusan natin ng suporta ang imprastraktura sa Pampanga dahil ito ang susi sa mas masiglang ekonomiya,” diin ng senador.
Patuloy ang pag-ani ni Senador Bong Revilla ng matatag na suporta mula sa publiko, lalo na sa rehiyon ng Gitnang Luzon, dala ang kanyang adbokasiya para sa konkretong solusyon sa pang-araw-araw na problema ng mamamayan.
Comments